wala akong balak magsulat dito, pero katatapos pa lamang ng aking klase ng alas siete ng gabi at pag labas ko ng silid, grabe ang ulan.. feel kong kumanta kasama si regine sa amphi.. gagawa kami ng music video.. duet kami.. kabaliwan..
dati nung bata pa ko, ayokong ayokong umuulan.. dahil dyahe ang ulan pag feel na feel mong makipag habulan sa mga kalaro mo habang tuwang tuwa naman ang uhog mo sa pag tulo mula sa ilong mo.. gusto mong lumaban sa pabilisan ng takbo at pabilisan ng bike at paggalingan ng grades, pataasan ng talon at minsan, kahit na sa nanay ko lang to narinig, nakakita na rin ako ng mga batang nagpapataasan ng ihi.. lahat yun dapat magaling ka. pero pag umulan, sorry nalang. pantay pantay kayong mga talunan sa ilalim ng bubong ng isang bahay o ng isang tindahang inutangan mo na ng kendi.
pero ngayon, ayoko ng ulan.. di ako makakauwi ng maaga. mahirap mag commute. malayo layo pa ang lalakarin ko papunta sa jeep na sinasakyan ko. ni hindi nga ako makalabas ng building. lalo pa ngayon na nakikipag contest ako sa aso ko sa pagtahol at sa pinsan kong bata sa pag singa ng uhog. stranded ako dito..
ngayon, masarap matulog. masarap magpahinga. masarap kumain. masarap ang hindi maghabol - sa deadline ng report, thesis, papers, recitations, grades at pati oras. kung pwede mo lang pigilan ang bawat pag ikot ng mga kamay sa orasan siguro matagal mo nang ginawa yun. pero hindi pwede yun. kailangan itong umikot sa ayaw at sa gusto mo. may sarili syang kumpas na sinusunod, sariling musikang sinasayawan. habang ikaw sumasayaw sa musika ng pagsusumikap at kumpas ng panahon. lagi kang gahol sa oras. minsan kung iisipin ko, para rin tayong mga bata na lumaki. kasi sa ating mundo ngayon, kailangan pa rin tayong makipag paggalingan. pabilisan matapos ang lahat. pabilisan sa pag asenso, paggalingan sa trabaho, palakihan ng bahay, pataasan ng sweldo, paramihan ng kotse, paramihan ng degree.. lahat competitive. lahat ng ito'y pilit mong sinasayawan hanggan sa minsan di ka na makahinga. para kang unti unting lumulubog at pilit mong pinapadyak ang mga paa at kamay mo pero sadya kang lumulubog. sa mga panahong ito, nais mong makarating sa ibabaw at makahigop ng hangin.. ang pinakamahalagang bagay sa yo ngayon ay hangin..
at ikaw ay huminga - nagpahinga..
bigla mong naranasan ang pag luwag ng iyong dibdib. ang paghinga ng maganda at malalim.
you were able to exhale.
lahat ng hirap mo, naihinga mo na. naisuka mo na. at nailabas mo na lahat ng mga frustrations mo.
kaya ako nandito, sa maliit na computer lab, sa loob ng isang silid, sa ilalim ng isang building, habang hinihintay ang pagtila ng ulan, nagpapahinga - humihinga.
bukas bagong musika, bagong kumpas, bagong araw..
Monday, July 26, 2004
buhos, ulan, buhos
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment